Lualu, madugong dinepensahan ang titulo kontra Amansinaya
- EJ JACINTO
- Oct 28, 2024
- 3 min read

Nagapi ng mga nagaalab na koponan ng Lualu ang pormahang nagpaliyab sa arangkada ng mga manlalaro ng Amansinaya upang madepensahan ang titulo at muling tanghaling kampeon ng Information and Communication Technology High School (ICTHS) sa Intramurals 2024, sa iskor na 25-16, 25-19, 24-26, 25-8, na ginanap sa ICTHS covered court ngayong Setyember 13 ng hapon.
Hinablot ni Gabriel Egang ang Most Valuable Player (MVP) sa ikalawang pagkakataon matapos bumulusok ang nagaalab na 14 kills at 2 aces, kasabay si Lucas Manalang na naglista ng kanyang 7 kills at 8 aces na silang umako sa koponan para maibulsang muli ang kapeonato.
Inumpisahan ang tagisan ng dalawang koponan nang buwagin nina Paul Pasahol at Egang ang hagupit ng bola sa salpukan ng nagbabagang palo na naging udyok sa pangunguna ng Lualu at tinambakan ng walong puntos ang kalaban nang pumitik ang sipol nang unang bugso ng set, 15-7.
Hindi hinahayaan ng Lualu na lumapag ang bola at tuluyang malunod sa agos ng makamandag tira ng kalaban kasabay ang humagulgol na hiyaw ng mga manonood sa walang prenong palitan ng bola na nagaganap sa gitna ng court.
Sumabay sa pagpapakawala ng matitinik na tatlong services aces ang manlalaro ng Amansinaya na si Espiritu kasama ang mga atake ni Dizon na siyang lulunod na puwersang inihanda ng kalaban, ngunit hindi nagpadaig at dinepensahan ng Lualu ang kanilang iskor at pinalasap ang palo mula sa naglalagablab nilang mga kamay dahilan upang makuha ang panalo sa unang set, 25-16.
Nang humudyat ang pagsisimula ng ikalawang set, muling sinimulan ang pasahan ng bola na naging panimula ng dalawang koponan na siyang binali ni Manalang sa isang palong tumunaw sa paa ng kalaban.
Tinupok ng mabilisan ni Ocampo ang apoy nang bungkalin pabalik ang bumabangal na palo nina Egang at Manalang, samantalang humataw si Pasahol sa kanyang pekeng atake mula sa kanyang tosses dahilan upang magulo ang puwestuhan ng kalaban at makuha ang iilang mga puntos sa set, 8-6.
Namayani ang tambalang Pasahol at Egang sa sumunod na yugto ng laban, sinalo lahat ang abot bubong atakeng services ni Dizon at Orbino na binigwasan ni Egang ng mga pamatay na atake kasabay ng pader na depensa ni Pasahol na nagudyok upang muling ipanalo ang set, 25-19.
Salpukan ng dalawang naghihikaos na koponan ang namayani nang buksan ang ikatlong set, gamit ang mga pamatay atake ng Lualu at depensang hindi tatablan ng apoy ay pormahang pinamalas ng Amansinaya.
Sa tindi ng gitgitan ng laban, binigwasan ni Ocampo ang kalaban nang maglista ng ilang mga kills na lulunod sa depensa ng Lualu kasabay ng pagpapatikim ng maiilap na services ni Orbino dahilan upang pumuntos ng kanilang panig.
Nakipagtagisan ng liksi at simbilis ng mga along rumaragasa sa gitna ng court ang nangibabaw sa mga manlalaro ng Amansinaya upang pumoste sa palasong atake ni Egang na naging daan upang masulot ang unang panalo ng koponan, 24-26.
Pumitik ang hudyat ng ikaapat na set at walang inaksayang oras ang Lualu matapos umarangkada ang opensa ng koponan sa pagpapakawala ng matatalim na mga atake ni Egang at nagliliyab na porma ni Manalang dahilan upang pulbusin ang Amansinaya.
Natambakan ng puntos ang Amansinaya at sinubukang akuin ni Espiritu at Dizon ang koponan subalit hindi na nadikitan ang iskor nang magpakawala ng isang serving ace si Castro, hudyat ng pagtatapos ng laban at tanghaling kampeon ang Lualu, 25-8.
Naging agresibo ang pagsunggab ng Lualu kontra Amansinaya upang muling depensahan ang pinanghahawakang kampeonato sa nakaraang taon at inaasahan ng koponan na ito'y magpapatuloy sa susunod pang mga laban.
Comentários