Banyuhay, tinupok ang liyab ng Lualu sa Men's Basketball Championship Match
- EJ JACINTO
- Oct 28, 2024
- 2 min read

Hinagupit ng mga naghihimagsik na koponan ng Banyuhay at abot langit na mga tira ang ipinalasap nang liparin at pabagsakin nila ang Lualu matapos kumopo ng kampeonato, sa iskor na 43-24, sa Championship Match ng Men’s Basketball Intramurals 2023, ika-17 ng Setyembre, sa Information and Communication Technology High School (ICTHS) Covered Court.
Nag-aalab na rumatsada ang bawat panig sa pagsisimula ng sagupaan, kaagad kumasa ang Banyuhay sa pagpapakawala ng isang 3-point shot na pinangunahan ni Nash Gopez sa unang kwarter.
Gitgitang bakbakan ang nasaksihan ng mga manonood sa kalagitnaan ng unang kwarter sa paglusob ng dalawang koponan mula sa ungusan nina Espiritu at Caparas ng Lualu, 7-4.
Lalong lumagutok ang bwelta ng Banyuhay, nakuha nilang tupukin ang liyab ng nagbabagang koponan ng Lulalu nang tapusin ang kwarter sa iskor na 14-10.
Hindi nagpatibag ang depensa ng Lualu, sinubukang puwersahan at tinaob nina Caparas at Delos Reyes ang depensa ng Banyuhay, sa pagdukot nila ng 4 puntos, sa pagbukas ng panibagong kwarter.
Bumungad sa ikalawang kwarter ang maiilap na bola sa Lualu nang muling magpasabog sa pagpapakawala ng tres at rebounds si Gopez na siyang umako sa koponan.
Sinubukang ungusan ng Lualu ang iskor ng katunggali na pinangunahan ni Caparas sabay ang opensa ng koponan ngunit bigong masira ang depensa ng Banyuhay dahil sa tambalang Gopez at Espiritu na dumurog sa koponan, 28-17.
Sa hudyat ng Ikatlong kwarter, binida ni Calica ang kanyang milagrosong tres at dinagdagan pa ang puntos ng koponan upang akuin sa pagkakatambak ng iskor.
Dinomina ng banyuhay at muling nagsalpak si Gopez nang maginit ang mga kamay sa pagpapakawala ng dalawang magkasunod na tres at dalawang rebounds, 38-25.
Umarangkada ang huling kwarter na tinuldukan ng Banyuhay sa siklab ng laban kontra Lualu, niyanig nila ang kabuuang laban sa pagtatapos na 19 puntos na agwat dulot ng limpana ng mga tirang tres na siyang pumulbos sa Lualu sa iskor na 43-24.
Hindi nagawang akayin ng 6 puntos ni Edward Calica ang koponan at mistulang basang sisiw ang Lualu, dahilan ng 20 puntos ni Gopez, daan para sila ang tanghaling kampeon sa laro.
"As long as you enjoy the game, it will turn out to be nice for everyone who participated in it. Napakasaya namin ng manalo kami since last year na namin ito, ginawa talaga namin yung best namin para maipanalo ito" ani Gopez.
Hataw ng Banyuhay ang tumirik sa huling laro ng ICTHS Intramurals 2023 at inaasahang muling sisibol ang bangis ng mga ICTzens sa susunod na taon.
Comments