Sa Likod ng Manibela
- Ayessa Mercado
- Oct 21, 2024
- 2 min read

Madilim pa nang magising si Mang Sid. Ilang oras na lang, pasilip na ang araw at bubungad na muli ang pagtaas ng singil sa diesel. Hindi niya maasam kung hanggang kailan niya kakayaning itulak ang makina ng kanyang jeep gayon ito ang tanging inaasahan ng pamilya niya.
Hindi lang ang araw-araw na gastos ang nagpapabigat sa kanyang kalooban. Sa kabila ng mahigit tatlumpung taong pamamasada, nakaharap siya ngayon sa isang mas matinding hamon, ang jeepney phaseout. Ayon sa datos ng Department of Transportation (DOTr), layunin ng jeepney modernization program na palitan ang lahat ng tradisyunal na jeep ng mga environment-friendly na modern units bago matapos ang 2024. Ang mga bagong bagong yunit na ito ay may halagang P2.4 milyon kada isa, at kahit may pautang mula sa gobyerno, halos imposibleng mabayaran ito ng mga kagaya ni Mang Sid na araw-araw pa rin nakaabang ng sapat na kita para sa butil ng bigas.
“Maaga akong uuwi,” bulong niya, pero parang may mabigat na pumasan sa kanyang dibdib mula sa mga binitawang salita. Sinipat ang ilang barya sa kanyang palad, ngunit kahit anong bilang, tila ito ay laging kulang. Sa tuwing dumadalaw na ang mga butuin sa kalangitan, tila ba nanlilimos na rin sa oras makapaghatid lang ng pagkain sa hapagkainan.
Sa bawat liko, sa bawat sikip ng trapiko, may mga tanong sa kanyang isip na mahirap sagutin. Hanggang saan ba ang kaya ng isang jeepney driver sa bansang tila mabilis ang pagtakbo, kaya naroroon siya sa likod nanonood, naiiwan sa pakikipagtalo. Ang jeepney modernization program ay nagmistulang paligsahan na kailanman mahihirapan siyang makisabay, isa itong patibong na dahan-dahang niluluhod ang kagaya niya.
Habang ang programa ay sinasabing magdadala ng progreso at kaligtasan, iniwan naman nito ang tanong na “Sino ang makikinabang sa pagbabagong ito?” Para kay Mang Sid at sa libo-libong jeepney drivers, ang modernization ay tila hindi para sa kanila, kundi para sa may kakayahang makabili ng bagong sasakyan.
Bago sumapit ang hapon, marahan siyang bumitaw sa manibela, isang bagay na higit na mabigat kaysa sa kanyang pagod. Dumadaan ang mga bagong unit ng jeep, makintab, malamig dahil sa aircon, at tila simbolo ng pag-unlad na di kayang abutin ng kanyang lumang jeep. Sa ilalim ng init ng araw at usok ng tambutso, isang malalim na buntong-hininga ang kanyang pinakawalan. Para kay Mang Sid, ang araw na ito ay hindi lang biyahe ng isang jeepney driver, kundi biyahe patungo sa dulo ng kaniyang kabuhayan. Isang kabuhayan na unti-unting nawawala kasabay ng rumaragasang mga bagong jeep.
Sa bawat lingon sa kanyang munting sasakyan, ramdam ni Mang Sid ang bigat ng oras na bumibilis. Habang patuloy ang pag-usad ng modernisasyon, kasabay naman lumalabo ang kinabukasan niya kasama ng kanyang pamilya. Ang kinabukasang nakatali sa manibela, sa makina, at sa mga kalsadang kay tagal na niyang tinahak. Sa bawat biyahe, laging sumasagi ang tanong kung kailan kaya niya mararating ang dulo? At kung may patutunguhan pa ba ang paghawak sa manibela?
Comments