Santungan ng Kapampangan
- Ayessa Mercado
- Oct 28, 2024
- 2 min read
Updated: Oct 29, 2024

Sa bawat sulok ng Pampanga, may bumubulong na alon ng pagbabago na nagsusulong sa kultura para sa mas makabagong konteksto. Mula sa mga tradisyunal na sining at pagkain hanggang sa mga inobasyon sa edukasyon at kabuhayan, ang diwa ng mga Kapampangan ay muling umuusbong, nagiging sandata sa kanilang pag-unlad.
Tinagurian ang Pampanga bilang Culinary Capital ng bansa dahil sa masaganang tradisyon nito sa pagluluto at malawak na pagkakaiba-iba ng mga lokal na pagkain. Kilala ang mga Kapampangan sa kanilang husay at pagkamalikhain sa pagkain, na nagsisilbing yaman ng kultura at kasaysayan ng rehiyon. Mula sa mga tanyag na putahe tulad ng sisig at asadong matua na nag-aalok ng masarap na karanasan sa pagkain na hindi matutumbasan.
Higit pa sa mga pagkain, ang natatanging galing sa sining ang taglay ng mga Kapampangan. Ang kasiningan nila, mula sa mga likha ng kanilang kamay, sa pandaigdigang tanyag na Giant Lantern Festival na isang simbolo sa kapaskuhan, hanggang sa kanilang mga natatanging kasangkapang-kahoy, impluwensiya ng kulinarya at mga parangal na natamo sa sining biswal ay hindi lamang nagpatingkad sa kulturang Pilipino kundi nag-iwan din ng mahalagang tatak sa pandaigidigang entablado, isang simbolo ng mayaman na kultura at tradisyon.
Isa ang Santungan Ning Kulturang Kapampangan na isang organisasyon na nakakadagdag sa pagpapalaganap at pangangalaga ng makulay na kultura at kasaysayan ng Pampanga. Sa pamamagitan ng kanilang mga programa at eksibit, binibigyang-diin nila ang mahahalagang aspeto ng pamana ng mga Kapampangan, mula sa mga tradisyon, sining, hanggang sa mga natatanging kasanayan.
Sa kanilang online platform, mas pinalawak ang abot ng adbokasiya na nagbibigay- daan para mas makilala at pahalagahan ang kulturang Kapampangan ng mas marami pang tao. Bukod sa pisikal na koleksyon ng mga artifact at sining, nag-aalok din ang museo ng mga digital na materyales na maaaring maging gabay sa pag-aaral ng mga estudyante at mananaliksik. Ang kanilang mga workshop at seminar ay bukas sa publiko, upang mas lalong mapalalim ang pag-unawa sa mga lokal na tradisyon at kasanayan.
Hindi lamang mga antigo ang nakabandera, may mga larawan din na nilikha ng mga kilalang tao sa lalawigan. Nakamamangha lalo na't sa mga dayuhan na makita sa personal ang mga makasaysayang bagay at mga likha na sumasalamin sa galing at talino ng mga kapampangan, kaya't hindi lamang ito isang pook ng pag-aaral kundi isang tahanan ng ala-ala at identidad.
Sa huli, hindi lamang isang ala-ala ng nakaraan ang mga tradisyon at pamana ng mga kapampangan kundi pagkilos tungo sa hinaharap. Tila isang ilaw na nagniningning sa dilim, nagbibigay-daan sa mga susunod na henerasyon upang muling mapalaganap ang kanilang kultura. Buhay na buhay ang diwa at kaluluwa ng yaman ng mga Kapampangan sa kultura, na siyang mamamayani upang maging inspirasyon sa mas malawak pang pagkakakilanlan.
Comments