PAGTIBAG SA MATATAG
- Janloyd Gonzales
- Oct 29, 2024
- 2 min read

Paglulunsad ng programang MATATAG curriculum sa lahat ng paaralan sa Pilipinas ang labis na ikinabahala ng mga mag-aaral dahil sa hirap na kanilang naranasan pagpasok pa lamang ng bagong taon.
Inimplimenta ang pagkakaroon 45 minuto sa bawat asignatura kumpara sa isang oras na nakasanayan natin sa mga nakalipas na taon. Ngunit ang magandang balitang pagpapaikli ng oras ay hindi ikinatuwa ng mga mag-aaral. Nangangahulugan itong mas maikling oras na pagtuturo ng mga guro kaya nakukulangan at nabibitin ang mga mag-aaral. Ito rin ay naging dahilan upang ipagpatuloy ang mga gawain sa bahay dahil na rin sa oras na tila hindi sumasapat.
Sa paglabas ng resulta ng Program for International Student Assessment (PISA) ay hindi na naman nagiging maganda ang resulta para sa Pilipinas sapagkat isa na naman tayo sa nahuhuli sa listahan. Patunay na ang programang ito ay hindi na nga nakatutulong, nagiging pahirap pa ito sa mga mag-aaral. Kailangan nang aksyonan at bigyan ng maganda at kalidad na edukasyon na hindi nagiging problema kundi nagsisilbing isang solusyon.
Hindi pa man tapos sa mga gawain ay mayroon pang mga patumpalak na sinasalihan. Tulad na lamang ng paparating na Division School Press Conference (DSPC) na tiyak na karagdagang iisipin naman ng ilang mag-aaral, kung saan ipinagsasabay ang pagiging mamahayag at pagiging mabuting mag-aaral. Dagdag pa ang mga gawain at mga aralin na hindi na pasukan ang nagpapasakit sa mga ito.
Naglabas din ng mga bagong pamantayan patungkol naman sa larangan ng pampalakasan. Ngayon ay nangangailangan na rin matataas ang grado ng mga atleta upang makasali. Kailangan pa nilang pagsabayin ang kanilang pagiging atleta at mag-aaral. Sa bawat paghampas ng bola ay ang bigat ng mga gawaing dapat din nilan asikasuhin. Pagod na nga sa mga pag-eensayo, dagdag hirap pa ang mga ibinibigay na mga gawain.
Bumulusok din ang mga samut-saring hinaing sa mga social media ng kanilang mga naranasan sa magdamagang paggawa ng mga gawin bunga ng maikling oras na pagtuturo na nagbigay ng mga sunod-sunod na takdang aralin at pagsusulit. Iba ay ginagawan pa ng katatawanan ang mga ito na labis na kinaaliwan ng madla ngunit sa likod ng mga biro, sila ay isang mag-aaral na tambak sa gawain na hindi pa masolusyonan ng ating pamahalaan.
Sigaw ng mga mag-aaral ay ang pagtibag sa programang MATATAG matapos ang paghihirap na kanilang dinaranas kahit kakapasok pa lamang ng bagong taon. Nagpahirap at dagdag pasanin ang maikling oras na pagtuturo at ang mga walang katapusang gawain na siyang nagtulak sa hinaing nilang ipahinto ang curriculum na ito.
Pundasyon na siyang dapat nagpapatatag sa mga mag-aaral, ngayo’y dahilan kung bakit ang edukasyon ay unti-unting nalalag-lag. Hiling ng sangkatauhan, pagtibag sa patakaran ay isakatuparan, nang ang pasakit sa mga guro at mag-aaral ay tuluyan nang maibsan.
Comentarios